Miyerkules, Enero 26, 2011

Kailan mo ako hahagkan?

Isang masayang gabi. Ang buong tropa ay maligaya sa mga kaganapan. Lutang ang lahat sa tama ng demonyong mula sa lood ng bote. Ang espirito ni San Miguel ay sumasanib sa bawat kalahok. Tila patimpalak ang bawat lagok. May iba’t ibang kuwento ang bawat kampay. Mga kwentong nagpapalipad sa imahinasyon ng lahat. Ngunit ang bilog na impyernong nakahain ay di na rin sapat.

‘Di nagtagal ay naging iba’t iba na rin ang mga nais at kagustuhan. Kanya-kanyang kaharian ang gustong puntahan. Gusto ko sanang sumama ngunit pinili nila akong maiwan. Patungo sa kani-kanilang palasyo. Sa lugar kung saan walang diyos. Sa lugar na ikaw ang boss. Ang lugar na ikaw ang tanging may kapangyarihan. Kung saan, kapal ng iyong pitaka ang batayan. Nakahihikayat ang mga kwentong aking naririnig. Pagandahan ng palayo. Pagandahan ng kurtina. Pagandahan ng silid. Paramihan ng kuwento. Palamigan ng erkon.

Naisipan kong sundan sila. Naisipan kong gumaya. Gusto kong makita ang lugar kung saan salapi lamang ang sinasamba. Ang kaharian na maari kong sabihing sa’kin. Kahit ngayon lang sana.

Ngunit. Subalit. Datapwat.

Mali pala ang aking naging pasya. Ang inaasahan kong makita ay iba sa napala. Ang iniisip ko na naggagandahang kurtina ay rehas pala. Ang silid ay punong-puno ng tao. Mga taong ‘di ko kilala, sa loob ng mabaho at masikip na selda. Isang lugar kung saan walang diyos. Isang lugar na maari mong sabihing nalimutan. Isang lugar na kahit minsan ay di ko naisip puntahan.

Dumaan ang buong magdamag kalakip ang isang bagong karanasan. Karanasan na kailanma’y di ko malilimutan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ano sa tingin mo? Ayos ba?
SUMAGOT KA!